Ministry of Altar Servers

Ministry of Altar Servers
Official Logo

Biyernes, Pebrero 1, 2013

SINO SI SAN ILDEFONSO?


SINO SI SAN ILDEFONSO?

Arsobispo ng Toledo sa Espańa: tagapagtanggol ng paniniwala sa Birheng Maria; huwaran sa kanyang paglilingkod sa simbahan at pagkakawang-gawa lalo na sa mga dukha

Si San Ildefonso ay ipinanganak sa Toledo, Espańa. Lumaki siya sa patnubay ng kanyang pinsan na si San Eugenio, Arsobispo ng Toledo. Sa gitna ng pagtutol ng kanyang ama, pumasok siya sa monastery sa Agaliense sa pamamagitan ni San Eladio. Naging istudyante siya ni San Isidro na siyang naghasa sa kanyang talino at nagpalalim g kanyang pag-ibig sa Diyos at ito ay nagging daan upang masundan niya ang kabanalan ni Hesus at mapatingkad ang kanyang pag-ibig sa Mahal na Birhen.

Sa loob ng monasteryo, kinakitaan si San Ildefonso ng husay sa pagtuturo ng Salita ng Diyos. Si San Eladio na namumuno noon sa monastery ay nahirang na Obispo ng Toledo at humalili sa kanya si Deodato. Nang mamatay ang huli, si San Ildefonso ang inihalili dahil sa kanyang katalinuhan at kabanalan. Anging huwaran siya ng pag-ibig at malasakit sa mga mahihirap; ipinamahagi niya at ipinagpatayo ng monastery ang namana niyang yaman.

Nang mamatay si San Eugenio III, Arsobispo ng Toledo, napiling humalili si San Ildefonso. Ang kanyang pamumuno ay nagging huwaran ng paglilingkod na naka-ugat sa panalangin, pag-ayuno at pagkawang-gawa lalo na sa mga dukha.

Noong abbot siya ng Agaliense, naging katuwang siya sa ika-10 Konsilyo ng Toledo na nagbigay parangal sa Birheng Maria tuwing ika-18 ng Disyembre dahil buong pag-ibig nito na paghintay sa pagsilang ni Hesus. Sumulat siya ng mga libro na bunga ng kanyang matingkad na pag-ibig sa Mahal na Birheng Maria, at isa dito at ay “Ang Walang Hanggang Pagka-birhen ni Maria”.

Isa sa mga kwento sa buhay ni San Ildefonso ay ang pagpapakita sa kanya ng Mahal na Ina na hawak ang aklat na nagtanggol sa kanyang pagka-birhen. Sa tagpong ito lubos na nagpasalamat ang Mahal na Birheng Maria, hindi lamang sa kanyang talino kundi sa malalim na pag-ibig nito sa kanya.

Isa pang kwento ay noong papunta na sila sa Katedral upang ipagdiwang noong Disyembre 18 ang kapistahan ng paghihintay ni Maria; napansin ng mga kasama ni San Ildefonso na may napakatinding liwanag na nagmumula sa loob ng katedral at nasaksihan ang isang makalangit na awitin na nagbubuhat sa Mahal na Birhen na nakaupo sa lugar na pinagpapahayagan niya ng homily at siya at tinatawag. Nang lumapit si San Ildefonso sa Mahal na Birhen, ipinagkaloob sa kanya ang isang magarang abito bilang pasasalamat sa pagtatanggol ni San Ildefonso sa kanyang pangalan.

Maging sa huling yugto ng kanyang buhay, bukambibig pa rin ni San Ildefonso ang Mahal na Birhen. Siya ay nananalangin hindi para sa kapayapaan ng kanyang kaluluwa kundi para sa simbahan at mga tao na kanyang nasasakupan upang iadya sila sa tukso at magmalasakit sa bawat isa. Nang siya ay mamamatay na, hiniling niya na malibing sa lugar ni Santa Leocadia, kanyang paboritong santa. Siya ay inilibing sa Zamora, Espańa.

Isang daan taon ang nakalipas at ipinaayos ang simbahan ng Zamora. Hinukay ang lugar at sa loob ng nitsong bato ay natagpuan ang dahon ng sipres na may sulat “Dito nakahimlay ang bangkay ni San Ildefonso.” Isang himala ang naganap, isang mabangong halimuyak ang nakabighani sa mga tao. Nang sundan ang bango, ito ay nagmumula sa loob ng Simbahan ng San Pedro na kung saan ang pintuan ay nabuksan at nakita ng mga tao na mula pala sa bangkay ng patron ang bangong kaakit-akit.

MAGING SA HULING YUGTO NG KANYANG BUHAY, BUKAMBIBIG PA RIN NI SAN ILDEFONSO ANG MAHAL NA BIRHEN

Naging puntahan ng mga tao ang bangkay ng patron at matapos ang ika-labinlimang dantaon, ang arsobispo ng Zamora na si Don Diego Melendez Valdez ang nag-utos na magpagawa ng isang kapilya sa tuktok ng presbiteryo ng Simbahan ng San Pedro, na kung saan nalagak ang bangkay si San Ildefonso at San Atilano. Maraming himala ang natunghayan ng mga deboto ni San Ildefonso.

Noong Mayo 26, 1496, matapos ang dalawandaang taon, inilipat ang mga labi ni San Ildefonso sa urnang pilak at pinarangalan sa altar ng Simbahan ng San Pedro sa Zamora. Ginawang halimbawa ng pananampalataya at tapat na paglilingkod si San Ildefonso.

Ang araw ng kamatayan ni San Ildefonso, Enero 23, ay itinalaga na araw ng pagpaparangal sa kanya at tuwing Mayo 26 ipinagdiriwang ang pagtuklas sa kanyang mga labi.

Tuwing kapistahan ni San Ildefonso, ang Arsobispo ng Zamora ay nagpuprusisyon na hawak ang mga labi ng hinlalaki ng Patron.

(inihalaw ni Atty. Aurora A. Santiago mula sa Novena ni San Ildefonso)

2 komento:

  1. ang pagkaka unawa ko'po ay isinama ni san ildefonso ang taong bayan sa simbahan at sabay-sabay po niLang binuksan ang pintuan at nakita niLa ang mahaL na birheng maria na nagLiLiwanag sa harap ng aLtar

    TumugonBurahin
  2. ang pagkaka unawa ko'po ay isinama ni san ildefonso ang taong bayan sa simbahan at sabay-sabay po niLang binuksan ang pintuan at nakita niLa ang mahaL na birheng maria na nagLiLiwanag sa harap ng aLtar

    TumugonBurahin